Free Web space and hosting from freewebspace.com
Search the Web

 

POETRY

 
 

Home

About the INPS

Focus on JMS

Important Announcements

Activities & Photos, 2001 - Present

Archival Photos

Press Statements & Interviews, 2001 - Present

Brief Messages & Letters, 2001 - Present

Articles & Speeches, 2001 - Present

Articles & Speeches, 1991 - 2000

Poetry

Display of Books

Bibliography 1991 - 2000

Bibliography 1961 - 1990

Documents of Legal Cases

Defend Sison Campaign

Letters to Jose Maria Sison

Feedbacks

Links

 


Mga Piraso ng Bangungot

    Ni Jose Maria Sison

    Salin ng "Fragments of a Nightmare," December 1979

  1. Sa ilalim ng langit sa gabi, sariwang samyo
    Ng luntiang mga dahon at bughaw na mga alon
    Ang sumasalubong sa mukha ko, kumakapit sa katawan ko,
    At minamadaling katagpuin ko ang aking mahal.
    Wari'y hatak ng sandaang kabayo, humahagibis ako
    Tulad ng malayang ibon sa lasong pilak
    Sa pagitan ng bundok at dagat.
    Subalit, ay! tigib ang alanganing panahon
    Ng matatalim na mata ng mga demonyo
    Sa sangandaan ng kaligtasan at panganib.

  2. Matapos ang sayaw ng matsing sa dilim
    Sa paligid ng tahimik na himpilan
    Tumagos ang mga demonyo sa manipis na pintuan
    Nagkakahol ang mga hayok sa dugo
    At pinamutla ang biglang pagliwanag.
    Pinaligiran ako ng mga armadong demonyo
    Na napakayabang at ako'y pinosasan.
    Hinablot ako sa piling ng aking mahal
    At itinangay ng mga kumakaripas na gulong
    Sa maginaw na gabing nakakailang.

  3. Dinala ako sa sentro ng impiyerno
    Sa Diyablo at mga pinunong demonyo
    Para sa ritwal ng litratuhan.
    Sinenyasan ng Diyablo na umalis ang mga kampon
    At kami'y nagdwelo sa salita.
    Sa umpisa, sabi niyang namimili siya ng mga kaluluwa.
    Nang siya’y tanggihan, bumaling siya sa paglalatag
    Ng patibong para sa malilinlang at walang malay.
    Nang tinanggihan, nagwakas siya sa isang banta
    Na hindi na siya muling makipagkita sa akin.

  4. Ang hatinggabi, ang mahihigpit na posas
    At mga demonyo wari’y di pa sapat,
    Ako'y piniringa't iniikut-ikot.
    Linalamon ako ng susun-susung kahon;
    Isang malawak na kuta, isang binakurang kampo
    Na may pintuang umiingit at kumokokak
    At sa katapusa’y isang seldang ubod ng tahimik
    At dito ako marahas na itinapon.
    Hangad ng mga demonyong madama kong
    Maging bulag, walay, sakal at walang magagawa.

  5. Tinanggal ko ang piring at natagpuan
    Ang sarili sa isang inaamag na nitso
    Suklam ako sa kawalan ng bintana
    Sa maputlang berde at kapipihan
    Ng mga dinding at kisame
    Sa matinding kulay-tsokolate ng saradong pinto
    Sa nakakahilong andap ng mahinang bombilya
    At katiting na hangin mula sa tagong butas.
    Bumabaligtad ang aking sikmura
    At nagsusumikip ang aking dibdib.

  6. Mga walang ngalang demonyo ang relyebong dumarating
    Nagkukunwang mapagkaibigan o nananakot sa akin
    At umaapuhap sa aking utak at nerbyos.
    Pinapaikutan ko sila
    Para magkapanahon ang mga kasama
    At mabigyang-babala ng aking pagkawala.
    Iginigiit ko ang karapatang magkaroon ng manananggol,
    Ang karapatang huwag ipahamak ang sarili,
    Itinanong ko ang kinaroroonan ng aking mahal
    At mga kaibigang kasama naming dinukot.

  7. Sapilitang hinubdan ako ng kamiseta
    At ipinulupot ito sa aking mukha.
    Ipinatong ang isa pang pirasong telang hinigpitan
    Sa aking piring na mga mata at sa batok.
    Pinosasan ang mga kamay ko sa likod
    Nang napakahigpit para mga ito’y mamanhid.
    Ipinirmi ako sa isang kahoy na upuan
    At pinaghintay sa kung anong kahihinatnan
    Lubusang bulag at walang magagawa
    Sa mga kamay ng kung sinong halimaw.

  8. Biglang matitinding suntok
    Ang tumatama sa mga tadyang ko,
    Dibdib at puson.
    Kasunod, walang tigil ang mga demonyo
    Sa pagtatanong, pananakot at panunuya
    Kasabay ng marami pang suntok.
    Ang aking hindi pag-imik, pagsagot o komentaryo
    Laging nagdadala ng papatinding mga suntok.
    Paulit-ulit na nagbabanta ang mga demonyo
    Na babasagin sa pader ang aking bungo.

  9. Natapos ang tila walang katapusang panggugulpi
    Pero mayroon pang kasunod.
    Ikinadena ng mga demonyo ang isa kong paa
    At isa kong kamay sa teheras.
    Tinanggal ko ang mga piring at aking mga mata'y
    Tinamaan ng silaw
    Na sumusunod sa galaw ng aking mukha.
    Sa pag-ilag sa silaw, mga mata ko’y tumatanaw
    Sa madilim na kahungkagan ng selda
    At naaninag ang tatlong demonyo.

  10. Dalawa ang nagsasalitan sa pagtutok ng baril
    Sa tihayang katawan ko at nag-uulit-ulit
    Ng mga tanong na ayaw ko nang sagutin.
    Samantalang ang ikatlo'y tahimik na nakaupo
    Sa semento ng madilim na selda.
    At may isa pang demonyong labas-pasok
    Para magtanong at magbantang
    Ako'y papatayin habang nasa akto ng "pagtakas".
    Paminsan-minsan, tinatadyakan ng isang demonyo
    Sa pagkayamot ang paa ng teheras.

  11. Bilang tuya sa mga anyo nilang mapagbanta,
    Pinagsasabihan kong magpahinga ang mga demonyo.
    Kinukutya ko ang kanilang mga salita't asta
    At ibinabalik sa kanila ang kanilang mga insulto
    Kahit pinapanghina nila ang aking katawan
    Sa patuloy na puyat, gutom at uhaw.
    Damdam kong inihahanda ako
    Sa mas masakit, mas masahol na pagpapahirap.
    Subalit tantya kong ang utos ng Diyablo
    Ay ang maghasik ng takot at kawalang pag-asa.

  12. Muli akong piniringan
    Nang biglang dumagsa ang mas maraming demonyo
    Sa madilim na seldang sumasakal.
    Ang dalawang kamay at dalawang paa ko
    Ay mahigpit na ikinabit sa teheras
    Ng mga posas na matatalim ang gilid at humihigpit
    Sa tuwing galaw ko, gaano man kabanayad.
    Dinig ko ang sabi ng isang demonyo na handa na ang hukay ko
    At ang sabi ng isa pa
    Na dapat kuryentihin muna ako.

  13. Mga isip ang nag-uunahan sa utak ko:
    Nakaharap at nasukat ko na ang Diyablo.
    Higit na hangad niya ang kaluluwa kaysa bangkay ko.
    Pinipiringan ako ng mga berdugo
    Para ikubli ang kanilang mga mukha ng karuwagan.
    Magdurusa ako subalit ako'y mananatili.
    Nagiging manhid ang nerbyos laban sa kirot
    Nagsasara ang utak laban sa kasukdulan.
    Hindi baleng ako'y mamatay, buhay ko'y
    Matagal nang laan sa pakikibaka.

  14. Dinig ko ang bulwak ng tubig sa tubig
    Ang kalampag ng mga timbang plastik
    At hirit ng tarantang mga bota.
    Isang bimpo ang inilapat sa mukha
    At bibig ko; at malalakas na kamay ang tumangan
    Sa aking ulo't sumapol sa bibig ko.
    Mga kaskada ng tubig ang bumabaon sa mga butas ng ilong
    At bumabaha sa bunganga, lalamunan at baga ko.
    Kasabay ng mga dagsa ng tubig ang mga dagsa
    Ng mga tanong, pananakot at panunuya.

  15. Linalaslas ng posas ang mga kasu-kasuan ko’t bukung-bukong
    Sa mulit-muling pagsinghap ko ng hangin
    Laban sa mahapding bugso ng tubig.
    Pinagdurusa ako para sa napakaraming tao, grupo,
    Tirahan, nayon, bundok
    Na hindi ko alam o ayaw kong
    Sabihin o ikumpirma sa mga demonyo.
    Sukdulan ang kanilang lupit at pagpupumilit
    Sa tangkang makapiga ng bagong impormasyon,
    Karagdagang biktima at dambong.

  16. Higit sa sanlibong ulit,
    Sinusubukan ang lakas ng puso ko.
    Habang ako’y lumalaban at naghuhumiyaw na makahinga
    Tinatabingan ng tugtuging American rock ang mga hiyaw
    Sa labas ng silid ng pagpapahirap.
    Pana-panahon, isinasaksak ng isang demonyo
    Ang nguso ng baril sa aking bunganga;
    Idinudunggol ng isa pa ang daliri niya
    Sa iba't ibang bahagi ng aking katawan
    Para guluhin ang kumpas ng aking paglaban.

  17. Napaluwag ng aking paglaban ang piring
    Kita ko ang mapagkutyang tuwa ng nakatataas na demonyo,
    Pagkatapos, isang matipunong demonyo ang umupo sa tiyan ko.
    Habang katawan ko’y nanghihina at ako’y nahihilo,
    Bigong sinubukan ng punong interogador
    Ang hipnotismo sa pag-uulit-ulit ng mga salita,
    Inuudyok akong mahulog, mahulog
    Sa tulog at ipaubaya ang aking kamalayan sa kanyang kapangyarihan.
    Lumalaban ako at pinanatili kong buhay ang isip
    Sa pag-alala sa mga salita ng isang sigaw-digma.

  18. Bigo ang mga demonyo na lunurin ang aking diwa
    Subalit ako’y pagod at hilo sa ilang araw.
    Halos hubad akong nakakadena sa teheras,
    Sugatan ang mga kasu-kasuan at bukung-bukong,
    Manhid ang mga kamay, may kirot sa dibdib
    At may damang tinutusok ng karayom ang aking mga mata.
    Muli’t muli pa’y pinipiringan ako
    Kapag relyebong dumarating ang mga bwitreng demonyo
    Para magtambol ng mga tanong sa mga tainga ko
    Na wari’y walang katapusan ang pamimilit nila.

  19. Lagi iniisip ko ang mga ibon,
    Maliit at mahiwaga sa ibabaw ng bughaw na dagat
    At ang mga pares ng kalapati na napakalambing
    Bawat isa’y napakalapit sa kapares.
    Pipiringan ako at isang demonyong bwitre
    Ang dumating para ako'y insultuhin ng isang alok:
    Ilagay ako sa hawla sa piling ang aking mahal
    Kapalit ng kahit isang kasamang nasa laya.
    Nagtiim-bagang at nagngangalit ako sa demonyo
    At nais kong mas mabigat pa ang magagawa ko sa mukha niya.

  20. Nakikita ko ang nakangising pagmumukha ng mga demonyo
    Na dumarating para sa isa pang alok:
    Simpleng ipahayag ko nang pormal
    Na ako ay si A.G., at wala nang iba
    At magwawakas ang pagpapahirap
    At ilalagay ako sa kinaroroonan
    Ng ibang mga bihag ng Diyablo.
    Pumayag sila kahit sa aking palatandaan
    Na imposible ang pag-ugnay ko sa manananggol
    Dahil na rin sa pagkakait ng mga armadong demonyo.

  21. Walang tigil ang pagpapahirap,
    Lalo pang sumahol nang sanlibong ulit.
    Ang mga saglit, minuto, araw, linggo
    Buwan at ang mga panahon ay bumabagsak
    Tulad ng dambuhalang mga bloke ng tingga
    Sa aking utak at mga nerbyos,
    Sa tihayang katawan kong nasa pangawan,
    Ang kaliwang kamay at kanang paa ko
    Laging nakakadena sa maruming teheras
    Sa walang-tigil na proseso ng karahasan.

  22. Tumutubo ang kalyo kung saan ang bakal
    Ay dumidiin sa laman ko’t buto.
    At nahihirapan ako sa mga sukdulan
    Ng init at lamig sa pagbabago
    Ng panahon at bahagi ng isang araw.
    Wala akong makita na lampas sa maaalikabok na dinding
    At masapot na kisame.
    Sa araw at gabi, kada sampung minuto
    Sumisilip sa maliit na butas ang isang demonyo
    Para tiyaking ako'y nananatiling nakakadena.

  23. Mga surot, lamok, langgam
    Ipis, butiki at gagamba
    Ang kasambahay ko sa bahaging ito ng impyerno.
    Nangungulila at nananabik ako sa aking mahal
    At iniisip ko ang kanyang kinasapitan.
    Nananabik ako sa mga anak kong lumalaki
    Nananabik ako sa matapat na samahan
    Ng mga manggagawa, magbubukid at kasama.
    Nananabik ako sa mga mamamayang nag-aalsa
    At sa malalawak na kalupaan ng aking bayan.

  24. Ang mga diyablilyong nagkakalag sa akin mula sa teheras
    Kadalasa’y tikom ang bibig
    At nambabastos, nangigipit at nangiinsulto
    Tuwing ipalagay nilang lumalagpas ako
    Sa iilang minutong laan para kainin ko
    Ang nakakadiring pagkain at gawin ang mga pangangailangan.
    Nakangisi lamang ang demonyong doktor
    Kapag humihingi ako ng sariwang hangin at sinag ng araw.
    Hindi inaayos ng demonyong dentista
    Ang aking ngipin kundi sinisira pa.

  25. Ilang demonyo ang dumarating manaka-naka
    Nagtatanong kung bakit nais kong magdusa
    Gayong ang tanging kailangang gawin ko’y isuko
    Ang aking kaluluwa kapalit ng awa ng Diyablo.
    Nang minsan akong sabihan na tumakbo para sa asamblea
    Ng mga demonyo, sagot ko’y paano ako tatakbo
    Gayong ni hindi man ako makalakad sa aking selda.
    Pagkaraan sila ma'y huminto sa pagdating
    Para hayaang pagdusahan ko nang walang tigil
    Ang apoy ng sunod-sunod na tag-init.

  26. Habang tinatanggihan kong ipagbili o ibigay
    Ang aking kaluluwa sa Diyablo, pakana niyang
    Pahirapan ito't dahan-dahang patayin
    Sa pagpipirmi ng aking katawan sa pangawan,
    Pagbibitin ng espada ng kamatayan
    At pagbabantang hahayaan itong malaglag
    Sa kung anong prosesong pormal o impormal.
    Pero walang saysay ang pakana
    Dahil sa matinding sakit ng pag-iisang nakakadena
    Maging ang kamataya'y nakatutuksong kanlungan.

  27. Binabaka ko ang pagkaburyong
    Ang pabigat nang pabigat na diin sa aking katawan at isipan
    At ang pasumpung na tukso ng pagkitil sa sariling buhay
    Tuluy-tuloy akong lumilikha’t bumibigkas ng tula
    Para sumpain ang Diyablo at mga demonyo.
    Lagi kong inaala-ala ang mga larawan
    Ng aking mahal na nagdurusa subalit nakakatiis;
    Ng aming malalayang anak, na mabilis ang paglaki;
    Ng masa ng mga naghihiganting anghel
    Na armado ng pinakamatatalas na espada.

  28. Bawat magdaang araw ay isang araw na naipanalo
    Nagpapatindi ng kapasyahan at katatagan.
    Inaabangan ko ang pakukunwari ng Diyablo--
    Dadalhin ako sa kanyang hukuman bilang palabas
    At papupurihan siya ng mga demonyong huwes
    Bilang kataas-taasang mambabatas, tagabihag, tagapagpahirap
    Tagausig, huwes at berdugo.
    Matapos ang napakatagal na panahon sa pangawan, makakaupo na ako
    Sa tabi ang aking mahal sa harap ng mga demonyong huwes
    At magpapabatid sa mamamayan ng aming pagdurusa.

  29. Ang magsalita tungkol sa pahirap pagkatapos nitong maganap,
    Ang magsalita tungkol sa isang-oras na pambubugbog,
    Sa maraming ulit na pagkakaitan ng pagkain at oras ng pagtulog,
    Sa anim na oras na panlulunod sa tubig,
    Sa labingwalong buwan sa pangawan
    At sa napakaraming taon ng sikip na pagkahiwalay,
    Ay hindi kailanman sapat para ilahad ang pagdurusa.
    Kailanma'y hindi sinasabi ng Diyablo at mga demonyo
    Sa biktima kung kailan magwawakas ang isang pagpapahirap
    Gayong nagbabanta sila ng higit pang pahirap at kamatayan.

  30. Subalit ang aking hirap at dusa ay maliit
    Habang iniisip ko silang higit na dumaranas
    Ng dahas ng araw-araw na pagsasamantala
    At ng pagragasa ng lagim sa bayan.
    Minamaliit ko ang aking hirap at dusa
    Habang iniisip ko ang mamamayang lumalaban
    Para sa sariling katubusan at kalayaan
    At ipinaghihiganti nila ang dugo ng mga martir.
    Minamaliit ko ang aking hirap at dusa
    Habang ako’y umaasang higit na makaambag sa pakikibaka.#




 

return to top

back



what's new