Ang Tulang Patalim
Ni Jose Maria Sison
Masdan ang tulang patalim
Matibay at kasingtalim ng labaha
Malamig at kumikinang na pilak
Sa liwanag o sa dilim.
Tingnan kung paano lumilipad
Ang itim na ibong hawakan
Na pinalamutian ng mga perlas
Sa matatag at makilos na kamay.
Suriin ang bawat mukha
Sa dahon ng asero,
Ang mga matipuno at sutlang liyab,
Mga imahen na iniukit sa ginto.
Sa isang mukha mga anakpawis,
Sari-saring may piko at mineral,
Pugon, martilyo at pandayan,
Tubig at batong hasaan.
Araro at kalabaw sa lupa,
Ang talaba sa dagat,
Mga gamit panghilok at panggraba,
Mangkok ng asido sa lamesa.
Sa kabilang mukha
Ay mga anakpawis na nakatipon
Nakatayo at handang lumaban
Sa likod ng nagniningning na watawat.
Ginaganap ng pagbabalikwas
Ang mga anyo ng paggawa
At inuudyok ang panibagong sigwa
Na taglay ang matatas na sandata.
Tanganan ang tulang patalim
At paawitin sa inyong mga kamay.
Ang kampilang ito ay agimat
Ng mga mamamayang may potong na pula.